(C) Global Voices
This story was originally published by Global Voices and is unaltered.
. . . . . . . . . .



Mga diary tungkol sa COVID-19 mula sa Wuhan: Nang maging mga ulat ng mamamayan ang mga diary [1]

['Winston Chiu']

Date: 2020-08-20 09:14:03+00:00

Ang sumusunod na post ay ang ika-18 at huling yugto sa serye ng mga diary na isinulat ng malayang filmmaker at peministang iskolar na si Ai Xiaoming at ng peministang aktibista na si Guo Jing. Pareho silang nakatira sa Wuhan sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic. Narito ang mga link sa una, ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim, ikapito, ikawalo, ikasiyam, ikasampu, ika-11, ika-12, ika-13, ika-14, ika-15, ika-16, at ika-17 bahagi ng serye.

Tunghayan ang special coverage ng Global Voices ukol sa pandaigdigang epekto ng COVID-19.

Kapag inilalathala ang mga diary, namamagitan dito ang panahon—ang kahulugan ng nilalaman ng mga diary ay nagbabago sa iba't ibang panahon. Habang lumilipas ang panahon, mas nawawalan ng halaga ng privacy, at mas itinatangi ang mga pansariling karanasan at mga detalye ng kasaysayang nakapaloob sa mga diary. Dati, labis na nag-aalala sa privacy ang mga manunulat ng diary dahil mas malaya silang nakapagsusulat kung itinatago nila bilang sikreto ang kanilang mga diary. Ang paglilihim ay isang paraan ng pagtakas mula sa pagsesensura ng pamahalaan at sa panunupil sa lipunan upang maiwasan ang mga patakaran sa pananalita at mga pag-atake mula sa mga taong nabanggit sa mga diary. Habang lumilipas ang panahon, ang mga diary ay tila mga higad na nagiging mga paruparo. Nilalampasan nila ang mga paghihigpit na ipinataw ng lugar at panahon. Iyong mga nakapagpaparusa ng mga manunulat ng diary ay naglalaho sa kasaysayan, ngunit umiiral at nangingibabaw pa rin ang mga diary.

Kapag nagsusulat kami ng mga diary, ikinatutuwa namin ang kalayaang labanan ang lipunan, ang iba, at ang bahagi ng aming “selfhood”—ang “ego” na tinutukoy ni Freud bilang mahalaga sa proseso ng sosyalisasyon. Mula sa pananaw ng nakararami, ang ilan sa mga nilalaman ng aming mga diary ay laban sa lipunan, laban sa nakararami, at laban sa disiplina. Reyalidad natin ito. Kapag tinatatagan ng mga manunulat ang kanilang pansariling kamalayan sa pamamagitan ng pagbuo ng malayang pag-iisip at pagkatao sa mga diary nila, ang lipunan at ang nangingibabaw na kaisipan ay naghahanap ng mga kapintasan sa mga nakasulat at kokomprontahin nila ang mga manunulat dahil dito. Anumang tunay na diary ay magiging salungat sa diktaduryang pangkaisipan. Samakatuwid, sa panahon ng rehimeng awtoritaryo, ang pagsusulat ng diary ay tila pagtahak sa mapanganib na landas.

Habang patuloy na humihigpit ang pagsesensura, mas mahirap para sa mga manunulat na mapanatili ang kanilang privacy at sariling estilo ng pagsusulat. Gayunman, itinuturing na di-karaniwan ang akto ng pagsusulat ng diary. Kahit na nakatuon ang diary sa karaniwan at pang-araw-araw na kalakaran, ang nakaaakit ay ang nilalaman nitong pagtutol na napakalayo sa mga enggrandeng opsiyal na salaysay.

Gawin nating halimbawa ang mga diary nina Fang Fang at Guo Jing at maging ang ibang mga teksto sa parehong genre. Ang mga ito ay mas mukhang pinagsamang mga personal na tala at mga ulat ng mamamayan kaysa sa mga personal na diary.

Sa madaling salita, isinulat itong mga teksto sa anyo ng isang diary—isang genre na nagbibigay ng higit na kalayaan sa mga personal na pagmamasid at mga karanasan. Ngunit pampubliko na ngayon kaysa sa pampribado ang madla.

Dahil naghahanap ng pakikipag-usap sa madla itong “mga diary,” mas nagsisilbi sila bilang mga ulat mula sa front line kaysa sa mga pakikipag-usap sa kalooban ng mga manunulat.

Bakit ginawang mga ulat ng mamamayan nitong mga manunulat ang kanilang mga diary? Kung tatantiyahin natin ang nagawa nitong mga diary, hindi dapat natin malimutan ang pag-iral ng pagsesensura at ang sakripisyo ng ating mga mamamahayag.

Kung hindi natin sinasadyang kalimutan o hindi pansinin ang takot natin, kailangan nating aminin na noong panahon na pinakamapanganib at pinakamahirap ang pandemya, ang mga mamamahayag sa front line sa Wuhan na nangahas pumasok sa mga ospital, mga punerarya, at mga pamayanan kung saan napakamapanganib mahawaan—mga mamamahayag gaya nina Chen Quishi, Li Zehua, Fang Bin, Zhang Zhan, Zhang Yi, atbp.—ay ang mga pinakamatatapang. Nilabanan nila ang lahat ng pagsubok.

Wala silang taglay na mga opisyal na lisensya ng pagiging mamamahayag at walang silang proteksyon kumpara sa ibang mga mamamahayag. Nasa panganib ang mga buhay at kaligtasan nila. Dahil sa kanilang mga ulat, narinig namin ang mga boses mula sa mga pinakamahihinang tao at nakita namin ang kawalan ng pag-asa ng mga talagang walang magawa. Sa social media, nakita namin ang mga bidyong kinuha mula sa iba't ibang sulok ng iba't ibang lungsod at narinig namin ang pagbuhos ng damdamin mula sa puso ng mga tao. Hindi dapat natin kalimutan kailanman na napilitang manahimik ang ilang mamamahayag. Kahit pagkatapos alisin ng Wuhan ang lockdown nito, wala kaming nabalitaan tungkol sa kinalalagyan nila.

Ang pag-usbong ng genre na diary ay pagbibigay-loob natin sa mga pinatahimik na citizen journalist. Pinupuri ng mga mambabasa ang mga diary dahil ang mga tao ay kulang sa access sa mga ulat na mula sa front line at sa masa.

[END]
---
[1] Url: https://fil.globalvoices.org/2020/08/mga-diary-tungkol-sa-covid-19-mula-sa-wuhan-nang-maging-mga-ulat-ng-mamamayan-ang-mga-diary/

Published and (C) by Global Voices
Content appears here under this condition or license: https://globalvoices.org/about/global-voices-attribution-policy/.

via Magical.Fish Gopher News Feeds:
gopher://magical.fish/1/feeds/news/globalvoices/