Author Name: GlobalVoices.
(C) GlobalVoices.org
This unaltered story was originally published on GlobalVoices.org.[1]
Republishing Guidelines:
url:https://globalvoices.org/about/global-voices-attribution-policy/
--------------------



Mga diary tungkol sa COVID-19 mula sa Wuhan: Napaliligiran ng mga pader na salamin [1]
['Winston Chiu']
Date: 2020-08-12 10:35:51+00:00

Ang sumusunod na post ay ang ika-11 sa serye ng mga diary na isinulat ng malayang filmmaker at peministang iskolar na si Ai Xiaoming at ng peministang aktibista na si Guo Jing. Pareho silang nakatira sa Wuhan sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic. Narito ang mga link sa una, ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim, ikapito, ikawalo, ikasiyam, at ikasampung bahagi ng serye.

Tunghayan ang special coverage ng Global Voices ukol sa pandaigdigang epekto ng COVID-19.

Isinulat itong yugto mula ika-11 hanggang ika-14 ng Marso, 2020. Inilathala sa Matter News ang mga orihinal na diary sa Tsino.

Patuloy na ibinabahagi ngayon ng mga tao ang artikulong “Ang whistleblower“, at nasa iba't ibang wika ito: Ingles, Hapon, Vietnamese, braille, oracle bone script , kodigong hexadecimal , kodigong Morse, at blangkong bersyon… Isa itong kolektibong gawang sining sa lockdown, tulad ng isang kamangha-mangha ng daigdig. Hindi lamang ipinadadala ng mga tao ang artikulo mismo, kundi pati na rin ang kanilang mga damdamin—ang galit nila sa pagsesensura, ang respeto nila sa mga whistleblower, at ang pagpilit nila sa pagpapahayag ng saloobin.

[Note mula sa Patnugot: “Ang whistleblower” ay isang panayam kay Dr. Ai Fen na unang taong namahagi ng ulat ng laboratoryo sa novel coronavirus. Agad na inalis ng mga sensura sa web ng pamahalaan ang artikulo at nagsimulang ibahagi ng mga tao ang mga post sa iba't ibang wika upang maiwasan ang mga sensura.]

May isang maliit na balkonahe ako sa bahay. Madalas kong panatilihing bukas ang salamin na pinto sa pagitan ng balkonahe at ng sala. Isang araw, hindi ko namalayang sarado ang pinto at nauntog ako rito. Ang resulta? Nagpasuray-suray ako nang limang hakbang pabalik na hawak ang ulo ko at dumaing.

Bago ang lockdown, nagka-kamping o nagha-hiking ako minsan. Gusto kong napaliligiran ng mga ibon, mga bulaklak, at kalikasan. Ngunit ngayon, kapag naririnig ko ang mga umaawit na ibon sa umaga, wala na ako sa mood na pakinggan pa ito. Kahapon, may nagpasimula ng group buying para sa Kentucky Fried Chicken. Nakatutukso ito. Gayunpaman, may mga gulay pa ako sa bahay. Sayang naman kung mabubulok ang mga ito, kaya napagpasyahan kong kainin muna ang mga gulay.

Inilagay ako ng isang kaibigan sa isang grupo online kung saan ibinabahagi ng mga tao ang pinakabagong impormasyon sa trapik at ang karanasan nila tungkol sa “pag-alis” sa lalawigan ng Hubei. Bukod sa Wuhan, sinimulan nang luwagan ng ilang lungsod at county sa lalawigan ng Hubei ang pagkontrol nila. Hindi makapaghintay umalis ang maraming tao dahil gusto nilang makabalik sa trabaho o makasamang muli ang kanilang mga pamilya at mga kaibigan. Ang ilang tao ay gusto lamang makaalis. Syempre, may mga taong nagbabalak ding bumalik sa lalawigan ng Hubei. Gayunpaman, hindi nagbebenta ng mga tiket papuntang Hubei ang maraming istasyon ng tren.

Kung gusto naming umalis, kailangan namin ng pass at health certificate. Gayunpaman, ang bawat lungsod, county, at village ay may kani-kaniyang mga patakaran ukol sa malayang paggalaw ng mga tao. Ang ilang may hawak na pass ay pinapayagang makagala sa loob ng lungsod lamang. Ang ilang may hawak na pass ay makasasakay sa mga intercity bus. Ang ilang may hawak na pass ay pinapayagang magmaneho ng mga sasakyan nila sa mga highway upang lisanin ang lalawigan.

Kahit lisanin namin ang lalawigan ng Hubei, hindi pa rin malinaw kung makapapasok ba kami sa ibang lalawigan o lungsod. Kailangan ng mga taong makakuha ng sertipikong ipinagkakaloob ng isang negosyo o residential district upang makapasok sa isang lalawigan o lungsod. Hindi kinikilala ng ilang lalawigan ang green code (health code) sa Alipay. Nakapagmamaneho sa mga highway ang ilang tao, ngunit hindi sila pinapayagang umalis sa mga highway kapag nakarating sila sa paroroonan nila. Nagkakaroon ng ganitong uri ng karanasan ang ilang tao sa grupo kapag pumunta sila sa Jiangxi, Sichuan, at Chongqing. Napipilitan silang bumalik.

Pinapayagan ng ilang lugar na pumasok ang mga tao, ngunit kailangan nilang ikwarentina sa loob ng 14 araw. Humihiling ng centralized quarantine ang Wenzhou, Taizhou, at Guangzhou, at kailangang magbayad ng mga tao ng 300 CNY (42.5 USD) na bayad sa kwarentina kada araw. Humihiling din ng centralized quarantine ang Dongguan at Hangzhou sa loob ng 14 araw, ngunit binabayaran ang kwarentina ng mga pamahalaan nila.

Kung walang patakaran na ayon sa pamantayan, mahirap magplano para sa pagbiyahe. Kailangang magbayad ang mga tao—tama o mali man ang kanilang plano.

Kagabi nang matutulog na ako, bandang 12, may ingay sa pasilyo. Nahirapan akong matulog dahil sa ingay. Nitong umaga bandang 7, nagising ako sa ingay ng pagbukas ng mga pinto sa pasilyo. Bago ang lockdown, nire-renovate ang metro station malapit sa pamayanan ko. Sobrang ingay ng konstruksyon tuwing gabi, ngunit hindi ako naapektuhan. Ngayon, hyperactive ang mga pandama ko na naghahanap ng panlabas na impormasyon, at mahirap silang isara.

Sinabi sa akin ng isang kaibigan mula sa Shanghai na lagi niyang naririnig ang tunog ng mga ambulansya matapos may nagpositibo sa COVID-19 sa lugar niya.

[END]

(C) GlobalVoices
Licensed under Creative Commons Attribution 3.0 Unported (CC BY 3.0)
[1] Url: https://fil.globalvoices.org/2020/08/mga-diary-tungkol-sa-covid-19-mula-sa-wuhan-napaliligiran-ng-mga-pader-na-salamin/

via Magical.Fish Gopher News Feeds:
gopher://magical.fish/1/feeds/news/globalvoices/